Bumiyahe na sa Florida, USA si Miss Universe Singapore Bernadette Belle Ong para sa 69th Miss Universe na magaganap sa May 16, 2021.
Malapit si Bernadette sa puso ng mga Pilipino dahil isinilang siya sa Pilipinas at nanirahan sa ating bansa sa loob ng sampung taon kaya matatas ang pagsasalita niya ng Tagalog.
Nag-migrate ang pamilya ni Bernadette noong 2004 sa Singapore at doon na siya nagkaroon ng acting, modeling, at hosting career.
Suportado ng Filipino community sa Singapore ang pagsali ni Bernadette sa Miss Universe Singapore.
Sa isang interbyu, sinabi niyang ang mga Pilipino sa Singapore ang humimok sa kanyang sumali sa nasabing beauty pageant.
“During my time here, I’ve been able to build a community with Filipinos and having that community, sila yung nagyaya sa akin na, ‘O, sige, i-try mo na yung Miss Universe,’” pahayag ni Bernadette sa Rise and Shine Pilipinas ng PTV.
Noong 2019, si Bernadette ang nagwagi para maging representative ng Singapore sa Miss Charm, isang international beauty pageant sa Vietnam. Pero hindi natuloy ang pagsali niya sa Miss Charm dahil sa coronavirus pandemic.
Blessing in disguise ang nangyari dahil inalok siya ng Miss Universe Singapore organization para i-represent ang kanilang bansa sa 69th Miss Universe.
“Since hindi pa ako naka-compete sa Miss Charm, I was able to do that,” sabi ni Bernadette.
Tumagal ng dalawang buwan ang online training ni Bernadette sa Pilipinas para sa pagsali niya sa 69th Miss Universe.
Inaasahan na si Miss Universe Philippines Rabiya Mateo ang magiging Miss Universe buddy ni Bernadette dahil may malaking puwang sa puso nito ang Pilipinas at alam na alam niya ang kultura ng mga Pilipino.